Black Pencil Project co-founder, addresses commencement exercises
Mayantoc, Tarlac – Black Pencil Project co-founder and Program Director Mon Corpuz addresses commencement exercises of Mayantoc Central Elementary School last April 26, 2010. An alumnus of the school, Mon revisits his early days in schools and accounts significant activities that according to him was instrumental of honing what he is today.
His 20-minute speech which was written in Filipino, drew misty eyes amongst teachers, and earned standing ovation from the graduates and parents. He was awarded with a Plaque of Recognition for gracing the event. Two weeks after, the Black Pencil Project co-founder was also invited by a teacher who happens to be a fan of the organization’s Facebook site to speak in the graduation rites of a Catholic school in Sta. Maria, Bulacan. Department of Education’s appointed theme for the year is “Education, Changing Lives. Edukasyon ang Solusyun” was aptly to Black Pencil Project core advocacy.
Below is the Corpuz’ commencement address.
Closing Exercise
Ika-27 ng Marso, 2010
Mababang Paaaralan ng Mayantoc
Mayantoc, TarlacMon Corpuz
Program Director, Black Pencil Project****
Magandang gabi po sa inyong lahat.
Malugod po ako at malaking karangalan po sa akin ang maging panauhing tagapagsalita sa inyong pagtatapos.
Ang pagtatapos po ninyong mga kabataan ngayon ay marahil mas mahalaga po para sa inyong mga magulang, at guro.
Palakpakan po natin sila at ang ating mga sarili.
****
Ang pagtatapos po ninyo ay hindi po kaiba sa akin. Batid po ng lahat na ako po ay galing sa pamilya ng mga guro – mag-mula sa aking mga Apong, ang tatay at mga nanay ko, ang tiyahin, tiyuhin at ngayon mga pinsan ay pawang mga guro ng paaralang elementarya.
Naalala ko po nung aking kabataan kagaya niyo, ang pangalan ko po sa tuwing ako ay maglalakad sa kalsada ay ‘yan yun “anak ni Mr. & Mrs. Corpuz.”
Marami po akong alala sa araw ng pagtatapos. Tuwing sasapit po ang araw na ito, ako po, sampu po ng aking mga kamag-aral ay masayang kumukuha ng malagong dahon ng banaasi sa Uma para gamitin decorasyon sa tyosko o grandstand.
Sa aming pong magkakapatid, dahil kumo’t bunsong lalaki, ako po ang pinagbitbit ng botibot, ito yung antigong upuang bakal at kahoy, na di hamak na mas mabigat sa monoblock. Wala pa pong monoblock noon.
Dahil po marunong akong magdrawing nung ako’y nasa elementarya, ako po ay malimit ipinapatawag ni Madam Leoncia, upang guhitan sa pamamagitan ng stylus ang pabalat ng closing program namin noong araw.
Naalala ko pa po, habang ako ay tumataas ng grade sa elementarya, ang tatay ko po na isang head teacher naman ay napropromote din sa mga malalaking paaralan. Ang ibig pong pakahulugan nito ay sa tuwing sa panahon ng graduation, ay siya ring dumadami ang cover ng closing program na aking gagawin.
Ito po ay gawa sa memeographing machine, wala pa po kaming xerox at computer noon. Kabisado ko na yung bawat bahagi ng cover, gayun din po ang malalaking pangalan noong araw ng mga propesyunal na naging panauhing tagapagsalita. Sila po madalas ay dating first honors, mga engineer, architect, lawyer o doctor. Ako po ay pang walong honor nung ako ay grumadweyt. Kaya noong aking pong kabataan, ni minsan ay hindi ko po naisip na darating ang araw na ang pangalan ko ay mailalagay sa cover ng isang closing program bilang guest speaker.Ang inyong tema “Education: Changing Lives o Edukasyon Ang Solusyon” ay akma sa aking munting adbokasiya – Ang Black Pencil Project.
Changing The World One Pencil At A Time. Ito po ang slogan ng Black Pencil Project.
Ang programang Lapis Para Sa Batang Eskuwela ng Black Pencil Project po ay isang pagpupugay sa kahalagahan ng edukasyon, bilang sandigan ng karunungan at pag-unlad ng isang tahanan at sa kabuuang pamayanan lalong lalo na ang mga kanayunang nasa liblib at bihirang marinig.
Hangarin po namin ang maging tulay ng mga nakahandang tumulong, ang maging tagapanguna sa pagpapaabot ng pag-asa at inspirasyon. Ang maging ehemplo ng makabayang paglilingkod, bolunterismo at pagkakaisa.
Ang akala po ng marami, ang Black Pencil Project ay malaking organisasyon kahalintulad ng malalaking foundation ng mga korporasyon.
Simple lamang po ang BPP, ito po ay samahan at ugnayan ng mga magkakaibigan nagnanais tumulong sa pamamagitan ng pagdala ng mga lapis o study kits sa pinakaliblib na pook sa Pilipinas hanggat may eskwelahan at gurong handang magklase. Ito po ay isinasagawa namin bago magpasukan sa bawat taon. Hangad po ng BPP na walang batang hindi mageenrol tuwing pasukan dahil lang sa wala silang lapis.
Kung magagawa po naming sa sabayan ang kagustuhan ng bawat batang musmos na pumasok sa eskuwelahan sa kabila po ng malalayong paaralan, ilog, bundok at dagat na kailangan nilang tawirin, kami po ay ganap ng matagumpay.
Malugod ko pong ibinabalita na kahit papaano po ay may mabuting naidulot ang aming programa. Bukod sa kami po ay inaabangan na ng mga bata sa darating ng pasukan, kami rin po ay sinasamahan ng ng malalaking organisasyon sa aming layuning walang batang hindi mageenrol dahil walang gamit pang-eskuwela.
Hindi man namin kayang tumbasan ang gawain ni Kuya Efren Penaflorida, ang mga mumunting lapis at study kits naming dadalhin sa bundok ay sapat ng ayuda sa aming pong mga hinahangaang tunay na bayani – sila po ang mga guro sa public school, sila na nagtitiyagan magturo sa mga eskuwelahan elementarya na maski walang sahig at bubong, walang magarbong uniporme o libro. Walang maayos na upuan at pisara.
Ang sabi ng isang guro sa Babuyan Islands, Balong, mabuti nakaabot kayo dito. Hindi ko na po kailangan ibili ng lapis ang mga magiging eskuwela ko.
Tinanong ko po siya bakit niya po kailangang gawin iyon. Simple lamang po ang sagot niya sa akin, Sir Mon, kung hindi ko po ibibili sila, wala pong mageenrol, wala pong papasok sa eskuwela. Sino pa ang tatawag sa akin ng Ma’am, eh di hindi nako titser.
Sa isang liblib na sitio sa Mt. Province po, ang isang bagong lapis ay nilalagari ng apat na piraso upang ang apat na bata ay makakagamit nito. Noong dumalaw po ako, iyong isang bata ay nanginginig magsulat, hindi siya sanay gumamit ng bagong lapis. Ang pagkakamali po namin, namigay rin po kami ng pantasa. First time po nilang makagamit ng sharpener, at marahil alam niyo na po ang nangyari sa lapis. Mabuti na lang, sobra sobra po parati ang aming dala.Sa isang pamayanan ng mga Aeta, kinausap ko po ang isang punong guro at tinanong bakit po yung pila ng mga Grade One ay may over-aged?
Ikinuwento po sa akin na bago magpasukan, ang tribu ay pinulong ng kanilang matandang pinuno at ang sabi po niya, ang lahat ng bata ay kailangan magenroll kundi ipapahuli ko kayo sa pulis. Ang pinunong ito bukod tanging maruong bumilang at sumulat siya. Siya po ay lubhang matanda na at may iniidang sakit. Itong kuwento pong ito ay sa Dueg, San Clemente at ang punong guro po ay si Madam Julita Baclig.
Hindi na po ako lalayo.
Sa katotohanan po, nauna akong maging guest speaker sa Labney.
Ito po ay noong nakaraang dalawang taon nung aking pong ihatid ang donasyong schoolbell mula sa Maynila. Natatandaan ko pa, may mga batang galing ng Padla na matiyagang nanonood sa tuktok ng mga punong nakapalibot sa stage. Tinawag po nila ako sa entablado at ang tanging tanong ko po sa mga bata ay kung nakakita na sila ng tunay na school bell at kung narinig na nila ang tunog nito. Wala pong sumagot. Sabay ko pong inangat upang makita nila at pinatunog ito ng malakas.Wala po akong dalang schoolbell ngayong gabi..
Ngunit nais ko pong ibahagi ang munting pananalita na aking sinabi sa mga batang magtatapos kagaya niyo sa Labney, dalawang taon ang nakalipas.
Ang sinabi ko po sa kanila, ”sana ubbing, sa inyong pagtatapos ay pamarisan niyo ang isang school bell. Magsilbi sana kayong parang school bell, upang ang mga mumunting tinig ay marinig sa bayan ng Mayantoc”.Siya rin po ang aking ipapayo sa inyo.
Ang inyong pagtatapos ay katulad ng isang school bell na pinapatunog ng mabilis. Bukod sa hudyat ito ng wala ng pasok o bakasyon, ang inyong pagtatapos nawa ay maging simbolo ng tagumpay ng edukasyon. Ang inyong pagtatapos sana ay magsilbing inspirasyon sa mga nagaaral pa sa elementarya at humikayat sa iba na pumasok sa eskuwela. Ipaalala po natin na ang school bell na ito ay muling patutunugin sa darating na pasukan ilang buwan magmula ngayon.
Masuwerte po kayo at hindi niyo kailangangan gumising ng maaga at maglakad ng kilometro upang pumasok sa eskuwela. Masuwerte kayo at hindi niyo kailangan magbangka mula sa mga isla. Hindi niyo kailangan sumulat sa sahig dahil walang pisara. Hindi niyo kailangang makihati sa iisang lapis.
Bago po ako magtapos, may gusto lamang po akong itanong sa mga magtatapos. Mangyari po lamang ay tumayo po ang may mga magulang na titser sa ating mga graduates?May nakalimutan po ata tayo mga ubbing. Di ba may kasabihan po tayo na ang ating mga guro po ay ang ating mga pangalawang magulang… Pinapakahulugan po nito na ang ating mga magulang ang ating mga unang guro at ang ating tahanan ang ating unang tahanan.
Tumayo tayong lahat at pasalamat natin sila ng malakas.
Maligayang pagtatapos sa inyong lahat! Palakpakan po natin ang ating mga sarili.
Muli, inaanyahan ko po kayong maging bahagi ng Black Pencil Project.
”Sama-sama nating abutin ang bawat bata sa liblib na pook sa Pilipinas, abutan sila ng lapis, hikayatin sumulat at gumuhit ng magagandang mga pangarap.”
Magandang gabi po sa inyong lahat. Ako po si Mon Corpuz.
About this entry
You’re currently reading “ Black Pencil Project co-founder, addresses commencement exercises ,” an entry on Black Pencil Project – Changing The World, One Pencil At A Time
- Published:
- 4.10.10 / 11pm
- Category:
- Announcements, News & Updates, Workshops & Seminars




Comments are closed
Comments are currently closed on this entry.